<$BlogRSDURL$>
Tula Atbp.
Tuesday, March 29, 2005
 
"Jollibee"

Sa Jollibee, ako'y kumain
Isang gabi sa Philcoa
Kasama ko'y isang kaibigan
Order namin ay magkaiba
Sa akin ay burger at fries
Kanya nama'y burger at rice
Masarap ang kain namin
Nang may biglang dumating
May kakilala ang kaibigan ko
na biglang umupo sa tabi namin
Nag-usap silang dalawa
Tahimik lang ako
Tapos ay umalis na siya
At nag-uwian na kami
At may kabayo sa damuhan

Monday, March 21, 2005
 
"Kape"

Isang gabi,
Nagtimpla ako ng kape
At bumili ako ng pandesal
sa tindahan ni Aling Nitz
Gabi na at madilim
Malamig ang simoy ng hangin
Nag-init muna ako ng tubig
Tapos ay pinalamnan ko ng
mantikilya ang pandesal na aking
Binili sa tindahan
Pagkatapos ay umupo ako
sa harapan ng aming bahay
Tahimik ang gabi, walang tao sa labas
Puro kulisap ang maririnig
Nakaaantok ang dilim at nakabibighani
Ang liwanag ng buwan
May maputing ulap na kumukumot
sa mga bituin
Sinimulan kong lagukin
Ang mainit na kape
Gumuhit sa aking lalamunan ang
matamis at mapait na kape
kumagat ako ng pandesal
Tinitigan ko ang langit
Ang langit ay naging kape
Ang mga ulap ay naging pandesal
ako ay naging buwan

 
"Pusa sa Ilalim ng Puno"

Unti-unti akong nagiging
Pusa sa ilalim ng puno
Magaan ang pakiramdam
Subalit mabigat
ang dinadala
Unti-unti akong kinakain
ng isang pwersang
Mapanganib, nakatatakot
Ako'y niluluoy ng sariling lakas
Lakas, na sa kalauna'y nagiging
Isang nakapanglalatang hila
Na nagdadala sa akin sa isang
Madilim na hukay
Gusto ko nang kumawala
Subalit ang puno ay nakaaakit
Malamig ang simoy ng hangin at
Nakaaaliw ang sinag ng araw
Ngunit kailangan kong
tumungo sa burol
kung saan malakas ang buhos
Ng ulan
Kailangan kong ginawin
At kailangan kong lumayo sa puno
Upang unti unti akong
makabangong muli
Nang hindi nakahawak sa anumang sanga
o dahon
Kailangan kong maging ibon.

Friday, March 11, 2005
 
"Kakain ng Tinapay"

"Dahil hindi mo alam kung bakit ako nagkakaganito. Wala kang alam. Mamamatay ka nang hindi mo nalalaman," sabi ni Nena sa babaeng nasa salamin.
"Paano ko malalaman at maiintindihan ang pinagdadaanan mo kung hindi mo sasabihin sa akin?", sabi ng babae sa loob ng salamin.
"Hindi ko sasabihin sayo dahil hindi ka naman nakikinig tuwing nagsasalita ako. Masasayang lang ang boses ko. Nagpapanggap ka na nakikinig ka, pero alam kong hindi mo iniintindi ang mga sinasabi ko. Iinom ka ng gatas, tapos ay kakain ng tinapay, matutulog, gigising at mabubuhay sa mundo ng mga patay, sa mundo ng kasinungalingan at kagaguhan, sa mundo ng mga ugat na hindi nagkaroon ng dugong dadaloy kahit kailan...gagawin mong lahat ang mga ito sa araw araw na ginawa, ginagawa at gagawin ng Diyos na Lumikha, Lumilikha at Lilikha, ngunit hindi mo magagawang makinig sa kahit isang salita man lamang na lalabas, lumabas, at lumalabas sa bibig ko," sabi ni Nena.
"Ano?", sabi ng babae sa salamin.

 
"Ilaw sa Traysikel"

Nung bata pa si Pedro, itinanong niya sa tatay niya ang ganito:
"Tatay, bakit kapag brown-out ay may ilaw pa rin ang mga traysikel?"
Ganito ang sagot ng tatay ni Pedro:
"Dahil...dahil lagi silang...dahil ano pala...ahh... dahil sa... dahil malulugi and MERALCO kapag tuwing magbro-brown-out ay may ilaw ang mga bahay at ang mga traysikel ang walang ilaw."


Pinaaandar ng Blogger